AUGUSTO DE LEON Class 64
Pagbabalik-Tanaw sa Isang Kahapon!
Ang kabiguan ni Viring na makapagpatuloy ng pag-aaral dahil sa baluktot na katwiran at maling pananaw ng kanyang Tatang ang nag-udyok sa kanya upang imulat sa kanyang mga anak ang kahalagahan ng Edukasyon." Sibsib na nang sapitin nina Teddy ang Loyola Memorial Park, Sucat galing sa Dos Castillas, Sampaloc na kung tawagin ay Dangwa pagka’t ito ang bagsakan ng mga bulaklak mula Dangwa, Mountain Province. Naging pamilihan na ito ng mga sariwang bulaklak na noong una ay galing lamang sa Baguio, La Trinidad at Benguet subali’t dito na rin ngayon ikinakalakal ang mga hango sa ibang bansa. Nakipagsiksikan sila nina Maureen, Evelyn at Flora sa karamihan upang makabili ng ilang dosenang bulaklak para iaalay sa mga namayapang mga magulang, kapatid at ibang kamag-anak. Matapos makapamili ay inihatid lamang sina Evelyn at Flora sa bahay nitong huli at dumeretso na sila sa sementeryo.Taliwas sa inaasahang ma-traffic ay luwag na luwag ang lansangan patungong Sucat. Ngayon lamang sila nakapunta ng ganoong petsa, huling araw ng Oktubre, di tulad noong mga nakaraang taon na ilang araw bago o makalipas ang kaarawan ng mga patay kung sila ay magsadya. Mula sa pinaradahan ng kanilang sasakyan ay naglakad si Teddy at hinanap ang puntod na sadya nguni’t di niya matagpuan. Kahit naman may kadiliman ay naaaninag pa ang mga nakasulat sa mga lapida. Mga diyes minutos din siyang nagpaikut-ikot sa paghahanap bago niya natagpuan ito.
As always, a thorn among the roses. Tinik na matinik sa mga rosas.
Nang makita na niya ang mga puntod; dalawang loteng magkaagapay: sa kaliwa ay ang pinaglalagakan ng mga labi ng kaniyang Tatang at Inang at sa kanan naman ay sa kapatid niyang si Danilo. Kinawayan niya sina Maureen, Reylito Cuevas na inaanak nila sa kasal na kaya nakasama ay siya ang nausap nilang magmaneho ng sasakyan, ang bunso nilang si Niño, at apong si Vernisse, hudyat na ang pahiwatig ay natagpuan na niya ang mga puntod. Dinatnan nila doon ang hipag niyang si Ana, anak na si Alvin at asawa nito at ilang mga apo. Nag-alay sila ng bulaklak at nagtulos ng mga kandila. Ilang sandali pa sila ay nagrosaryo na pinamunuan ni Maureen. Nangagsalampak sila sa damuhan habang nagdarasal. Si Teddy ay hindi maiwasan ang pagbabalik-tanaw sa isang kahapon. Lumalalim, hinuhukay ng kanyang diwa ang nakalipas sa mga sandaling iyon.
Ulilang lubos
Nagunita niya; ayon sa pagsisiwalat ng kanyang amang si Vicente, na trese anyos pa lamang siya nang silang magkakapatid ay maulilang lubos. Siya ang sumunod sa panganay na si Fidela subali’t bilang kuya sa mga nakababatang kapatid; dalawa pang babae na sina Antonia at Magdalena at bunsong lalaki na si Benigno ay inako niya ang responsibilidad na naiwanan ng mga namayapang magulang. Noong una ay mahusay ang takbo ng kanilang buhay, kinuha si Enteng ng kasosyo ng kanyang ama na tumao sa isang malaking tindahan sa panulukan ng Azcaraga at Magdalena na kung ihahambing sa kasalukuyan ay isang mini market. Iginagalang ang kanyang amang si Yu Hong Toh (sa birth certificate ay Yu Hong Tan) na nagtataglay rin ng pangalang Pilipino bilang Cayetano Yu pagka’t isa siyang Tinidor de Libro ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce bukod sa may mga iba pang negosyong senosyohan, isa rito ay isang sikat na inter-island shipping line noong panahong iyon. Sa murang isipan ni Enteng ay hindi niya napaghandaan ang maaaring pagkawala ng lahat ng ito na siya ngang nagkatotoo. Kinamkam ng kasosyo ng kanilang ama ang dapat sana ay kanila kaya’t sa pangyayaring ito ay kinupkop sila ng kanilang Lola Hilaria (Ina ng kanilang inang si Paula Velacha) na naninirahan sa San Idefonso, Bulacan na siyang nagtaguyod at sumubaybay sa kanilang paglaki hanggang sa magbinata’t magdalaga. Si Enteng ay nakatapos lamang ng pitong grado at nakaabot naman sa ika-apat na grado sa Chinese School samantalang ang mga babae ay hindi nangakatapos ng elementarya. Palibhasa ay may dugong negosyante, ang magkakapatid na babae ay lumuwas ng Maynila at nagtinda sa mga bangketa. Sa pangunguna ni Fidela at Antonia ay pinalad sila at nakapagpundar ng kabuhayan. Si Magdalena ay naging modista samantalang si Benigno ay nagpatuloy ng pag-aaral sa Manila North High School na ngayon ay Arellano High School. Napabilang siya sa AHS Band at sumapi rin sa Drum and Bugle Corps ng Trozo gayun din ng San Nicolas. Sumiklab ang ikalawang digmaan at si Benigno ay nawala na lamang at sukat. May nakapagsabing diumano ay napagkamalang isang Sundalong Hapon kaya’t siya ay napatay sa Bocaue, Bulacan nang pauwi na siya sa San Ildefonso. Sa San Idefonso nakilala ni Enteng si Elvira, kilala sa palayaw na Viring. Pangatlo si Viring sa anim na magkakapatid na pulos babae ng mag-asawang Doroteo Gregorio at Maxima Mariano. Si Doroteo ay magsasaka kung tag-ulan at aluwage kung tag-araw na siyang ibinubuhay nito sa kanyang pamilya. Nakatapos si Viring ng elementarya at naging paborito siya ng kanilang punong guro na si Ginoong Payawal kaya’t hinimok siyang tutustusan nito ang pag-aaral sa mataas na paaralan subali’t tinanggihan ni Doroteo ang alok pagka’t ang katuwiran ay hindi na raw dapat pang mag-aral ang mga babae pagka’t mag-aasawa lamang daw at ang mga babae ayon sa kanyang baluktot na pangangatwiran ay pambahay lamang. Walang nagawa si Viring at labis na naghimutok. Maraming magdamag rin niyang iniluha ang kabiguang ito kaya’t naging isa na lamang pangarap para sa kanya ang makapagpatuloy ng pag-aaral na naging isang pangako at sumpang di niya ito gagawin sa kanyang magiging mga anak sakaling magkapamilya siya.
Pananakop ng Hapon
Isang taon bago matapos ang pananakop ng mga Hapon, Buwan ng Abril, Biyernes-Trese ay ikinasal sina Enteng at Viring at namuhay sila bilang magsasaka bukod sa pagkakaroon ng munting sari-sari sa silong ng kanilang bahay. Nagkaanak sila ng lima, na ang panganay ay si Aurora, sinundan nina Teodoro (hango sa pangalan ng nuno nilang si Doroteo kapag binasa nang pabalik), Danilo, Mercedita at Cenon Wilfredo, ayon sa pagkakasunud-sunod. Sa amuki ni Viring sa asawa ay napapayag niya na sila ay lumuwas ng Maynila upang doon na makipagsapalaran. Nakikita ni Viring na higit silang uunlad sa Maynila at tuloy maiiwas nila ang mga lumalaking mga anak sa hindi magandang kapaligiran pagka’t ang mga kabataan sa kanilang nayon, sa murang edad pa lamang ay natututo nang magsipagsugal tulad ng tatsing, lucky nine at cara y cruz. Napansin din ni Viring na karamihan sa kabataan doon ay ang kawalan ng hilig sa pag-aaral, o tulad rin kaya ng kanyang tatang ang pananaw sa buhay at walang tiyagang magpaaral ng kani-kanilang mga anak ang mga magulang nito? Dalawang taon bago magdekada sesenta ay lumuwas sila ng Maynila at biniyayaan pa sila ng isang anak na babae na si Rosemary.Hindi naging madali para sa mag-anak ang mamuhay sa lungsod sa kabila ng pag-alalay ng kapatid ni Enteng na si Tonya. Si Enteng ay isa lamang dispatsador/kulektor sa isang tindahan ng mga muwebles sa Abenida Rizal at si Viring ay nananahi ng mga overseas cap, kurbata, leggings at kung anu-ano pang mga sangkap ng uniporme ng militar, pulis, boys scout na tinda ng Turing’s Store sa 733 R. Hidalgo, Quiapo na pag-aari ng bayaw niyang si Arturo Diaz na asawa ni Tonya. Umupa sila ng isang pinto ng apartment sa 425 P. Palma na ang kinikita ng mag-asawa, kadalasan ay kulang sa pang-araw araw na pangangailangan kaya’t ang mga anak nila ay nagkakusang tumulong sa lahat ng gawain, hali-halili sina Auring, Teddy at Danilo na pangahasan ang pananahi ng mga simpleng tahiin na madali nilang natutuhan kahit sa panunuod lamang. Makalipas ang isang taon ay lumipat sila sa Sta. Cruz at patuloy pa rin sila sa kanilang nakagawian. Napapasok si Auring sa kaibigan ni Enteng na si Julio Lim, may giftshop sa Tabora, Divisoria. Si Teddy at Danilo ay naging laman ng Carriedo na naglalako ng mga paper bag, ticket ng sweepstakes, kandila at bulaklak kung araw ng mga patay, tumutulong sa isang maliit na puwesto ng sigarilyo at panindang gamit ng mga flower shop na pag-aari ng Tiya nilang si Fidela. Naranasan din nilang magtinda ng kalamansi sa Quinta Market, makipaghabulan sa pulis na nanghuhuli; magtinda ng gayat-gayat na pinya at pakwan na nasa malaking garapon na nakapatong sa isang mesita o taburete sa isang panig ng bangketang nasasakupan ng Turing’s Store. Sina Mercy, Fred at Rosemary naman, nang mangagkaisip na ay nagsasasama na kay Danilo sa pagtitinda ng mga yaring damit sa isang maliit na puwesto sa pasilyo sa Kalye P. Palma. Sa ganito sila namulat, nagsikap upang makapagpatuloy ng pag-aaral at makaraos sa araw-araw.
Impluwensiya
Samantala, malaki ang naging impluwensya kay Teddy ang pagkakaroon ng dalawang banda ng musiko sa kanilang nayon; Banda Verayo No. 25 ni Pino at Banda Kabataan No. 48 ni Kikoy. Maliit pa siya ay nakahiligan na niyang manood at makinig sa tuwing magkakademya ang dalawang pangkat ng musiko. Pinangarap niya na mapabilang siya balang araw tulad ng nasira niyang Tiyong Bining. Hindi madali ang mapabilang dito pagka’t pagsapit ng edad siyam o sampung taon ay isasailalim ang batang nais maging musiko sa masusing pag-aaral ng metido o solfegio (cover to cover) bago pa turuan ng pag-ihip o pagtugtog ng instrumentong naaangkop sa kanya. Nawalan si Teddy ng pagkakataong makapag-aral ng musika sapagka’t lumikas sila sa Maynila upang doon na manirahan subali’t nabuhayang muli siya ng pag-asa nang matuklasan niyang mayroon palang banda ang Arellano. Hindi siya nag-atubiling lumapit kay Ginoong Luis Montefalcon Relativo at nagprisintang magpaturo upang makasali sa banda. Ikinagalak ito ng naturang maestro sapagka’t kasalukuyan silang nanghihikayat ng mga batang sasali sa banda. Alam ni Teddy na kapag siya ay natutong tumugtog ng instrumento at naging ganap na isang musiko, may pagkakataon siyang makapagkolehiyo ng libre sa matrikula. Naging paraan niya ito upang makapagpatuloy ng pag-aaral at siya nga ay nakapagkolehiyo. Dalawa pang kapatid na lalaki ni Teddy ang naging musiko, si Danilo at Wilfredo na kapuwa nakapagkolehiyo rin sa pamamagitan din ng pagiging musiko. Naputol ang kanyang pagmuni-muni nang magyaya na si Maureen pauwi sa kanilang bayan sa Batangas. Nausal ni Teddy patungkol sa kanyang mga magulang lalung-lalo na sa kanyang ina ang pasasalamat; na silang magkakapatid ay iminulat sa magandang pagpapahalaga sa Eduksyon. Hindi nasayang ang pagsisikap niya pagka’t nagtagumpay si Viring sa kanyang mithiin para sa mga anak na magkaroon ng magandang buhay at ngayon ay maliligaya sa piling ng kani-kaniyang pamilya.