ANITA SESE-SCHON
Cinderella ng Navy
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(May pagkakahawig sa tunay na buhay)
SA ARAW AY office girl si Aning sa opisina ng Navy sa Cubi Point. Pangkaraniwan siya kung manamit, manipis ang make-up, at tahimik. Lapitin siya sa mga sailors na amerikano sapagka’t talaga namang kaakit-akit ang ganda niya lalo na sa mga lalaking dayuhan na bago pa lamang nakakikita ng gandang kayumangging kaligatan. Mahusay makitungo si Aning sa mga sailors na nagsasadya sa kanyang opisina. Kinagigiliwan siya ng lahat at lahat ay ibig na mangumbida sa kanya sa sayawan.
Kung kaya’t sa gabi ay nagiging disco girl si Aning. Nagiging maikli ang kanyang palda, masikip ang blusa, makulay ang make-up, at siya ang bida sa sayawan: Ang kabaligtaran ng babae sa opisina na pangkaraniwan kung mag-ayos at mayumi.
Kapareha niya isang gabi ang Joe na isa sa mga sailors na nagsasadya sa opisina. Kapareha niya sa susunod na gabi ang Bill na sailor din na nagkaroon din ng business sa opisina. Kapareha naman niya sa iba pang gabi ang Mike at Dave at John – mga puti lahat na kawani ng U.S. Navy at kasalukuyan noon na may assignments sa Cubi Point. Ang Cubi Point noon, na bahagi ng Subic Bay, ay naval station ng U.S. Navy.
Panahon noon ng pagsasaya para kay Aning. Nasa edad siya at panahon ng paglaya at kawalan ng pananagutan sa buhay. Dahilan sa dami ng mga lalaking umaali-aligid sa kanya, humahanga at naghahangad na siya ay maging kasintahan, pangkaraniwang babae sa araw at nakasisilaw na disco dancer sa gabi, masasabing si Aning noon ay makabagong Cinderella.
Sa nakaalam sa nakalipas ni Aning, ang kanyang pagsasaya at pagiging mahilig sa pakikipagkaibigan sa mga sailors at ang pagsasayaw hanggang umagahin sa disco bar ay pagbabalatkayo lamang, pagpapanggap na siya ay masaya, pagkukubli ng kanyang mga kabiguan at hinanakit sa buhay, paraan upang siya ay makalimot sa mga dinadanas na pasanin.
Sa katotohanan ay dalawang ulit nang nabiyuda si Aning.
Ang unang naging asawa ay si Robin. Guwapo, mataas, maganda ang boses at hinahabol ng mga babae. Mahirap pala ang umibig sa guwapo. Palibhasa’y bata pa at walang karanasan sa pag-ibig, si Aning ay madaling nagpadala sa tibukin ng kanyang puso. Siya’y naakit sa magandang boses at makisig na pagkalalaki ni Robin. Nagkilala sila sa isang radio station at ang mga pangyayari ay lumipad na tila ipu-ipo – ang pagkakaibigan ay mabilis na nauwi sa pagliligawan at tanan.
Isinilang sa kasaganaan si Aning bilang nag-iisang anak na babae ng isang mapagpunyaging sastre at mapag-arugang ina. Mga magulang sila na nakararanas ng ginhawa bunga ng masigasig na paghahanapbuhay. Hindi sila doktor o abogado o masasabing may mataas na pinag-aralan, nguni’t sa pamamagitan ng galing ng kanilang mga kamay at katapatan sa pagbibigay ng mahusay na serbisyo sa mga tumatangkilik sa kanilang hanapbuhay ay nabigyan nila ng dangal ang karaniwang hanapbuhay na pagtatahi ng mga kasuotang panglalaki kagaya ng pantalon, kamisadentro, at amerikana.
Lumaki si Aning sa loob at paligid ng patahian na kung alin mang sulok nito ang di nagagamit sa pananahi ay kanyang nagiging pook na laruan. Bagama’t abala sa paghahanapbuhay, ang mga magulang ni Aning ay laging nakamasid sa kanya. Ang mga manggagawang mananahi ay tumutulong rin sa pakikipaglaro at pagbabantay kay Aning at kinagigiliwan nilang tunay ang masayahin at makuwentong bata.
Nang maging dalagita si Aning ay natuto siyang maglagay ng butones sa mga tinatahing damit-panglalaki. Siya ang naging pinakamahusay at natatanging maghuhuales ng patahian. Masasabing sa magandang pagpapalaki kay Aning, sa pagpapaaral sa kanya, at sa pagmumulat sa isang hanapbuhay na marangal ay nagawa ng mga magulang ang isang katangi-tanging pag-aalaga na maihahambing sa maingat na pagbuhay sa isang halaman o di kaya’y pag-iingat sa isang mutya – si Aning ay dinilig ng pag-ibig at hinipo ng mapagpalang kamay hanggang sa mamukadkad sa isang bulaklak na sariwa, mabango, matibay at dalisay ang kagandahan. Si Aning ay niyakap, itinago, hinintay na lumaki gaya ng gawa ng isang taklobo hanggang sa maging isang kagila-gilalas na perlas na sa huli ay ipinakita at ipinagparangalan sa mundo.
Sa paaralan ay maraming naging kaibigan si Aning. At katulad ng karaniwang kabataan, siya ay nabigyan ng laya ng magulang upang makipagkaibigan at makatikim ng mga karanasang naaangkop sa edad ng mga kabataan. Napapabilang siya sa mga dumadalo sa mga sayawan at pamamasyal, panonood ng sine, o di kaya’y sa mga gawaing pampalakasan.
Minsan ay napasyal ang magkakaibigan sa isang istasyon ng radyo. Doon ay nakilala ni Aning at ng mga kapuwa niya dalagita si Robin Monteclaro. Tanyag si Robin sa mga kabataan sapagka’t siya ang DJ na nagpapatugtog ng mga musikang-pangkabataan. Magandang lalaki si Robin at mataginting ang boses. Gaya ng inaasahan sa isang announcer, maganda ang timbre ng kanyang boses; idagdag pa dito na mahusay kumanta ang bagong-kilala ni Aning.
Kung di napapaligiran ng mga kaibigan ay di magkakaroon ng lakas ng loob si Aning na makipagkilala sa isang di kilalang lalaki. Namula ang kanyang pisngi ng iabot ng lalaki ang kanyang palad upang makipagkamay.
“Ako si, Robin. Salamat at nakabisita kayo sa studio,” masayang bati ng binata. “Sumunod kayo sa akin at ipakikita ko sa inyo ang aming gawain dito sa himpilan ng radyo.”
Bawa’t isa sa pangkat ng magkakaibigan ay may kaaya-ayang ganda. Nguni’t si Robin ay higit na naakit sa ganda ni Aning.
Nang maikot na ang studio ay nag-alok ng maiinom at makakain ang maginoong binata. Napakasaya ng magkakaibigan. Bago sila umalis ay pinaupo sila ni Robin sa harapan ng kanyang booth at napanood nila si Robin habang sumasahimpapawid ang kanyang programa.
“Salamat sa muling pakikinig, mga kaibigan sa himpapawid, sa susunod na dalawang oras ay magkakasama tayo sa palatuntuntunang, “Young Hearts”; ito si Robin Monteclaro na may nakahandang magagandang awitin na maaari ninyong pakinggan o isayaw. Siya nga pala, bisita namin dito sa studio at nasasa piling namin ang mga estudyante ng Sta. Clarita High School. Ang ating mga awitin na patutugtugin ay alay sa inyo at sa kanila, lalong lalo na kina Tessie, Mary Ann, Sylvia, Alicia, Cora, at kay Aning. Kalakip ang aking pagmamahal . . .”
Hindi nagpapahalata ang mga dalagitang magkakaibigan kung kaya’t tahimik lamang silang nanonood at nakikinig kay Robin, nguni’t sa loob ng kanilang dibdib sila’y kinikilig sa mga papuri at magandang pagturing sa kanila ng makisig na binata.
Ang naganap na pagkikilala sa himpilan ng radyo ay naging simula ng isang kasaysayan ng pag-ibig ng dalawang kabataan na sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatuklas sa kapangyarihan ng pag-ibig. Ganoon pala ang pag-ibig, kapuwa nila iniisip, laking ligaya ang dulot ng makasama lagi, kahi’t na magkausap man lamang sa telepono o makipagpanayam sa sulat, ang napupusuan. Hindi makatulog, hindi makakain, hindi makaalaala sa ibang bagay. Kumakabog ang puso at hindi natatahimik hanggang sa napapalapit sa hinihirang.
Hindi maipagtapat ni Aning sa magulang ang kanyang nararanasang kakaibang damdamin. Iniisip niya – Paano kung sabihin nilang bata pa ako upang makipagkaibigan, lalo na upang makipagligawan? Nagpahayag na ng pag-ibig si Robin sa pamamagitan ng isang liham na pinakalilihim ni Aning kahi’t na sa mga kaibigan. Paano kung sabihin nila na tapusin ko muna ang pag-aaral at makipagkilala kapag tapos na at may hanapbuhay na?
Minsan ay nabanggit ng ama, “Aning, ibig namin ng nanay mo na makita kang maging isang doktor o guro - isang propesyonal na titingalain ng lipunan. Mamanahin mo ang aming patahian, pero ang gawaing-kamay ay hindi para sa iyo, anak. Pagtiyagaan mo na makatapos at magkaroon ng karera bago ka mag-asawa. Ang mga babaeng maagang nag-aasawa ay isinusuko ang kanilang mga panagarap sa buhay at itinutuon ang buhay sa pagiging asawa at ina – ang katungkulan sa bahay ay malaking pananagutan na hindi maaaring gampanan kasabay ng iba pang pananagutan.”
Isang araw ay nagpasiya si Aning na magtanan kasama ni Robin. Napatunayan sa kanyang ginawa na higit na malakas ang tawag ng pag-ibig kaysa sa pangaral ng magulang. Sabi nga ng makatang Balagtas, “O Pag-ibig, hahamaking lahat, masunod ka lamang . . .”
Hindi na nakabalik sa tahanan ng ama si Aning. Tumira ang bagong tanan sa isang maliit na paupahan na ang upa ay nakakayanan ng maliit na sahod ni Robin. Makalipas ang isang taon ay nagka-anak sila. Naranasan ni Aning ang mga pagsubok sa buhay katulad ng paghihinanakit ng mga magulang at ang pagiging ulirang asawa at ina. Kay bigat ng pananagutan niya. Ang pagiging may-asawa pala, natuklasan niya, ay katayuang magkasama ang hirap at ginhawa, lungkot at saya, pangamba at pag-asa.
Sa una ay napakamaalalahanin ni Robin at maagang umuwi ng bahay. Nang malaon na ay naging masungit siya kay Aning at gabi na kung umuwi. Mayroon pa ngang mga gabi na hindi siya sa bahay natutulog. Overtime sa trabaho ang dahilan.
Iyon pala ay nakikipagkita si Robin sa kung ilang babae, lingid sa kaalaman ni Aning. Isa sa mga inilalabas niya na babae ay ibinahay pa niya. Nang malaman ni Aning na si Robin ay nagtataksil, nilisan niya ang kanilang tahanan tangay-tangay ang anak at nagbalik sa bahay ng kanyang mga magulang.
Napilitan si Aning na tanggapin ang masasakit na salita ng magulang. Napilitan siyang maghanap ng ikabubuhay at nang hindi siya laitin ng mga magulang. Sa awa ng Diyos ay nakahanap naman siya ng trabaho bilang sekretarya sa isang malaking korporasyon.
Minsan ay nakatanggap siya ng tawag sa telepono na mula kay Robin. Pumunta raw si Aning kaagad sa ospital at magdala ng pera dahil sa kailangang-kailangan ang pambayad sa ospital. Habang patungo sa ospital, ang iniisip ni Aning ay baka nadisgrasya si Robin o di kaya ay may mabigat na karamdaman.
Iyon pala ay kailangan ni Robin ang pera upang mailabas sa ospital ang kanyang babae at ang sanggol na kasisilang pa lamang. Walang kahiya-hiyang lalaki! Matapos na siya ay lokohin ay sa kanya pa hihingi ng perang pangtubos sa kanyang babae at bagong silang na sanggol! Nagpaubaya si Aning, binigyan niya ng pera si Robin, kahi’t na habag na habag siya sa kanyang sarili. Ginawa siyang parang basahan ni Robin na pamunas sa kanyang dumi. Ginawa siyang parang sariwang sugat na sa halip na gamutin ay binudburan pa ng asin.
Isang taon pa ang lumipas at nabalik si Aning sa nasabing ospital. Sa pagkakataong ito ay si Robin mismo ang may problema. Napag-alaman ng doctor na siya ay may sakit sa atay at kakaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanyang buhay. Namatay si Robin sa ospital at nasaksihan ni Aning ang kanyang mga huling sandali.
Sa dahilang kinailangan ni Aning ang magkaroon ng katuwang sa buhay at ng isang lalaking maaaring gumanap sa papel na ama ng kanyang lumalaking anak, nag-asawa muli si Aning. Sa kasamaang-palad, naging ma-problema rin ang pagsasama ni Aning at ng pangalawang asawa; sa madaling sabi ay naging masalimuot din ang kanyang buhay sa piling ng nasabing lalaki. At tila ang nakalipas ay nangyaring muli, ang pangalawang asawa ay maaga ring namatay.
Gaano kalaki, gaano kabigat na kabiguan at kalungkutan ang maaaring makayanan ng isang puso? Pambihira ang kakayahan ng puso na magbigay ng pagmamahal, kawangis nito ang isang bukal na daloy nang daloy ng malinamnam na tubig. Nguni’t sa panig ng pagtanggap at pagdadala ng dusa at hilahil, ang puso ba’y kasing tibay ng bakal o marupok na sisidlan na kapag napuno na ay sumasabog?
Si Aning, isang marilag na anak ni Eba, na nag-uumapaw ang kariktan at kakayahang umibig, na kahi’t na di pa man nakatitikim ng tatlumpung Tag-araw sa kanyang buhay, ay makalawang ulit nang umibig at nabigo. Siya’y naakit sa liwanag ng pag-ibig at mistulang gamu-gamo na sumulong sa apoy – napaso at nalaglag sa unang pagkakataon, umangat na muli at lumapit sa apoy sa pangalawang pagkakataon at sa bawa’t pagsulong ay nadadarang ito at nalalapnos ang pakpak. Siya ba’y susubok pang muli, aayaw na sa pangako ng pag-ibig, uurong na sa larangan ng buhay, magdaramdam, magluluksa, hanggang wakasan ang sariling buhay?
Isang gabi sa disco bar sa Subic ay nagkaroon ng sunog. Nagtakbuhan ang mga tao, kabilang na si Aning na naiwan pa ang sapatilya sa pagmamadali.
Ang amerikanong si Eddie ay isa sa mga nagpaparaos ng oras sa disco bar nang gabing naganap ang sunog. Habang siya’y umiinom ng San Miguel Beer ay pinanonood niya ang mga nagsasayaw. American sailor siya na taga-San Diego, California. Naakit ang kanyang paningin ng magandang babae na nakatutuwa ang sigla sa pagsayaw. Iyon nga ay si Aning na halos gabi-gabi ay laman ng disco bar. Nang magsimula ang sunog at nagtakbuhan na nga ang mga parokyano ng disco bar ay tumakbo na rin si Eddie; nguni’t nagkaroon siya ng pagkakataon na pulutin ang sapatilya na naiwan ni Aning na nakakalat sa lupa.
Kinabukasan ay tumungo si Eddie sa opisina ni Aning at nagpakilala. Bitbit ang sapatilya ay sinabi niya sa wikang Ingles kay Aning, “Malamang na sa iyo ang sapatilyang ito.”
Namula ang mukha ni Aning sa hiya at nasabing, “Naku! Kahiya-hiya, ikaw pa ang nagbitbit ng sapatilya ko! Ang bait-bait mo! Maraming salamat.”
“Maari bang ako ang maglapat ng sapatilya sa iyong mga paa?” sabay luhod ng lalaki at buong pagmamahal na isinuot ang sapatilya sa mga mapuputi at makikinis na paa ni Aning.
Dahil sa sapatilya ay sumibol ang panibagong kasaysayan ng pag-ibig sa pagitan ng Cinderella ng Navy, si Aning, at ng magiging bagong “edmiral” sa kanyang buhay, si Eddie.